Monday, November 16, 2015

Karanasang “Heneral Luna” Para sa Isang Fil-Am




Lubos ang pananabik ng aking pamilya simula nang masagap namin ang balitang ipapalabas ang “Heneral Luna” sa Minnesota.  Magmula nang ipalabas ito sa Pilipinas at humakot ng napakaraming
papuri mula sa mga manonood, naging isa na ang pelikulang  ito sa mga paborito naming paksa sa hapag-kainan. Kasama na rito ang mga paksang may kinalaman sa digmaang Pilipino-Amerikano, mga paksang tumutukoy sa kasaysayan ng Pilipinas at sa mga bayani ng lupang hinirang.  Natawa rin kami sa isang pahayag na may ilang manonood ang nagtaka kung bakit walang masyadong ginawa ang actor na gumanap sa papel ni Apolinario Mabini, ni hindi raw siya lumakad o tumayo man lang. Biro ng aking asawa na, kung biglang tumayo o tumakbo si Mabini, kabahan na tayo.


Isang Biyernes ng gabi ng Nobyembre, pagkatapos ng trabaho at eskwela, dali-daling naghanda ang aking pamilya ng baon na pagkain at inumin at bumiyahe ng halos dalawang oras para makarating sa AMC Cinema sa Inver Grove, Minnesota. Pagdating doon, maging ang Amerikanong nagbibili ng tiket sa takilya ay nagpahayag ng pagkabilib sa pelikula.  Napanood daw niya ito dahil may mga sub-titles naman daw na Ingles. Puno ang sinehan ng hindi lang mga kababayan, na ang iba ay nanggaling pa sa mga malalayong karatig estado, kundi pati na rin ng ibang lahi.

Astig. Ang pelikula  ay isang makabayang biopic ni Antonio Luna, ang heneral na namuno sa hukbong sandatahang pangrebolusyonaryo ng Pilipinas laban sa mananakop na Amerikano matapos mabili ng bansang Estado Unidos ang Pilipinas mula sa Kastila noong 1898.

Ang pelikula ay matapang, mapangahas; sa kataga ng aking anak na tinedyer, "Astig." Ang mga diyalogo o sagutan ay prangka, tuwiran at walang pakundangan. Sa isang eksena, habang pinag-uusapan ang kakulangan sa sundalo at sandata para sa pagsulong ng digmaan, inatasan ni Aguinaldo si Luna na si Luna na ang bahala at ang digmaan ay nasa kamay na niya. Sagot ni Luna, ano daw ba ang gusto ni Aguinaldo na gawin niya, "kagatin ang kalaban?"

Walang iyakan o drama, bagkus tahasang itinuturo ang mga bida, contrabida, kaaway at kakampi ng walang pasintabi, walang paghingi ng paumanhin.

Ang mabuti sa Pilipino.  May ilang mga mabubuting katangian ng Pilipino na ipinapakita sa pelikula. Para sa akin, ang isa sa mga tumatak na eksena ay iyong nagpakita ng pakikibaka ng kababaihan sa digmaan at sa pagsulong ng makabayang kamalayan. Sa ilang eksena, ipinakita rin ang angking katapangan ng lahi at ang kapasidad nito na mamuhunan ng dugo at pawis at magbuwis ng buhay para sa kapakanan ng nakararami. Kung tutuusin, napakarami nating mga bayani sa ating kasaysayan.  Ang ilan dito ay kilala at tanyag nguni't marami rin na hindi napapangalanan, tulad ng mga bayaning ipinaglaban ang kalayaan laban sa diktadurang Marcos; mga mamamahayag na namatay sa pangungusap ng katotohanan; mga kasapi ng mga NGO; mga guro, doktor, nars, midwife at volunteer barangay health workers na nagsisilbi sa mga lugar na liblib at mapanganib; at mga OFW na nakikipagsapalaran sa iba't ibang panig ng mundo, nilalabanan ang lubos na pangungulila at hirap ng trabaho, para sa kapakanan ng pamilya.

Ang hamon.  Kung mayroon mang kataga sa pelikula na, para sa akin, ay tagos sa puso, ito yung mga salitang binitiwan ng isang pagod, bigo, at dismayadong Luna: " Kalaban mo na ang kalaban.  Kalaban mo rin ang kakampi."  Napakalungkot isipin na sa ating kasaysayan, sa atin mismo nanggagaling ang pang-aalipusta sa lahing kayumanggi.  Nananatiling hamon sa ating lahat, pati na rin sa ating nangibang-bayan, na magkaisa sa ating mga organisasyon; na magkaroon ng isang tinig sa ating mga adhikain; na makipag-ugnayan sa isa't isa ng may kalinga. Hindi maiiwasan na magkaroon tayo ng mga salungat na kuro-kuro o saloobin nguni't  maaari tayong magbukas ng isipan, magpakita ng paggalang para sa lahat, kaparehas man o hindi natin sa pananaw. Kailangan nating ipahayag ang ating mga saloobin na may pag-unawa na, kaakibat ng ating karapatan sa malayang pamamahayag, ay ang katungkulan natin sa responsableng paraan ng pamamahayag.

Kamalayang-bansa para sa lahat ng Pilipino saan man sa mundo.
Kamalayang-bansa -- isang konsepto na mailap para sa karamihang Pilipino. Hindi tayo nagkukulang sa pagsulong ng kamalayang pansarili, o pampamilya.  Bilang isang lahi, napakamaalam natin sa usaping pag-ibig-- pag-ibig sa sinisinta, sa magulang, sa anak, sa kapatid, sa kanayon.  Nguni't    hinihiling na sa atin ng ating kasaysayan, ng ating panahon, na manindigan para sa pag-ibig sa inang bayan. Ani Andres Bonifacio: " Aling pag-ibig ba ang hihigit kaya/ sa pagkadalisay at pagkadakila/ gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?/ aling pag-ibig pa?/ wala na nga wala.

Paano natin maisusulong ang isang kamalayang-bansa?

Una, isali sa pagsulong ng kamalayang-bansa ang lahat ng Pilipino saan man sa mundo.  Tapos na ang panahon ng panunumbat sa Pilipinong lumisan sa bansang sinilangan sa iba't ibang kadahilanan.  Ang lahat ng Pilipinong nangangarap ng kaunlaran, kalayaan, kaginhawaan para sa lahat ay may puwang sa usaping bayan. Ang lahat ng may ambag para sa kaunlaran at may malasakit para sa bayan ay may karapatang makilahok sa pagsulong ng kamalayang-bansa, saan man sila sa mundo.

Pangalawa, magsanay tayo sa mga ugaling maka-Diyos at makabayan katulad ng disiplina sa sarili, pagsisikap sa kabuhayan, pagmamalasakit sa kapwa, pag-alaga sa kalikasan.  Simulan natin sa ating mga sarili ang mga pagbabagong gusto nating makita sa ating lipunan.  Kung ayaw natin ng korupsiyon, huwag tayong tumanggap ng lagay o mag-lagay. Huwag tayong maghalal ng mga pinunong malabo ang integridad. Kung gusto natin ng kapayapaan, makibahagi tayo sa usaping pangkatarungan at makilahok tayo sa pagsulong ng mga batas na makatarungan.  Sumunod tayo sa mga ordinansiya ng katahimikan sa ating komunidad, hindi yung wala tayong pakialam na magpatugtog ng malakas o mag-karaoke sa kalye ng magdamag.  Kung gusto natin ng isang mapagmalasakit na lipunan, magmalasakit tayo lalo na sa mga pinaka-nangangailangan sa atin.

Pangatlo, para sa atin na ginawa nang pangalawang tahanan ang ibang bayan, malaki pa rin ang maitutulong natin sa lupang pinagmulan.  Huwag nating isipin na nakakalamang tayo sa ating mga kababayan sa Pilipinas at mayroon na tayong karapatan na magkibit-balikat; magreklamo pero hindi makilahok; pumuna sa lahat ng mga suliranin ng bayan pero walang balak na makisama sa solusiyon.  Maaari tayong magbigay suporta sa mga organisasyon at proyekto na tunay na nakakatulong sa bayan, tulad ng mga programang "micro-finance o micro- lending"; mga programang pangkalusugan o pang-edukasyon. Makilahok tayo sa usaping halalan, pulitika, ekonomiya, pagsulong ng mga batas, pangalaga sa karapatang pantao.

Panghuli, kailangan nating maunawaan na may mga kamalayang naluluklok lamang,  namamahay lamang sa kaibuturan ng ating inang wika; mga kamalayang hindi kailanman lubos na maipapahiwatig  ng anumang wikang banyaga.  Hindi masama na tayo'y bihasa sa anumang wikang banyaga, nguni't dalhin pa rin natin ang ating wika sa ating mga puso; bigkasin ito ng may pagmamalaki; hayaan itong pagyamanin ang ating pagkakakilanlan; at ipamana ito sa mga susunod pa na mga henerasyong kayumanggi.

Heto na ang mga karanasang "Heneral Luna" na aking isina-papel.  Panahon na para tuluyan at taos-pusong isabuhay.


MVLazaro-Elemos
ika-15 ng Nobyembre, 2015
Rochester, MN

No comments:

Post a Comment